Mahaharap sa kasong robbery with homicide at physical injuries ang isang pasahero na nang-holdup sa isang pampasaherong jeep sa Commonwealth Avenue sa Quezon City kagabi.

Nasawi ang isang babaeng pasahero, 29-anyos, habang sugatang ang limang iba pa matapos na tumalon mula sa jeep.

Naisugod pa ang babae sa ospital subalit idineklara siyang dead on arrival, bagamat hindi pa matukoy ang dahilan ng kanyang pagkamatay.

Batay sa salaysay ng driver ng jeep, galing siya sa Lagro at patunging Cubao nang may isang lalaki na sumakay sa lugar sa Don Fabian.

Ilang sandali lamang ay inilabas umano ng lalaki ang isang patalim at nagdeklara ng holdup.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng driver na nanlaban ang babaeng biktima dahil ayaw niyang ibigay ang kanyang bag, subalit ibinigay din ang bag nang ambahan siya ng saksak ng suspek.

Tumalon naman ang ilang pasahero dahil sa takot at nataranta na rin sila.

Tumakas ang lalaki subalit hinabol siya at kinuyog ng taumbayan.

Agad naman na may umawat na QC Task Force at isinakay ang lalaki sa kanilang sasakyan.

Nabawi sa lalaki ang bag ng nasawing biktima at ang ginamit na patalim.

Sa ngayon ay hawak ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa Camp Karingal ang suspek.