Nailigtas ang biktima ng kidnap-for-ransom na 33-anyos na Vietnamese national habang tatlong Chinese national naman ang nadakip sa ikinasang high-risk rescue operation ng Makati City police kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/Maj. Gen. Anthony Aberin ang mga nahuli na suspek na sina alyas Lei, 32, alyas Xing, 33, at isang alyas Zhou, 38.
Base sa report na natanggap ni Aberin, matagumpay na nabawi sa isinagawang rescue operation ang biktima sa kamay ng mga suspek dakong 12 ng hatinggabi sa isang condominium unit na matatagpuan sa kanto ng Amorsolo at Arnaiz Avenue, Barangay San Lorenzo, Makati City.
Ayon kay Aberin, nitong nakaraang Miyerkules, nahikayat ng mga suspek na makipagkita sa kanila ang biktima sa isang lugar sa Makati at pwersahang dinala ito sa Tagaytay kung saan pilit itong pinatikim ng iligal na droga, ginahasa at kinunan pa ng video ng limang hindi pa nakikilang indibidwal.
Makaraan ang insidente ay ibinalik na ang biktima sa condo ng mga suspek sa Makati kung saan humingi na ng ransom na 500 million Vietnamese Dong na katumbas ng ₱1,000,000 ang mga ito sa asawa ng biktima na nasa abroad at nagbanta na kung hindi ito maibibigay sa kanila ay puputulin ng mga ito ang daliri ng biktima.
Sa takot ay naalarma ang asawa ng biktima at humingi ng tulong sa kanyang kaibigan sa bansa na siya namang agad na nag-report sa mga awtoridad.
Matapos makuha ang impormasyon ay agad na nagsagawa ng rescue operation ang mga awtoridad sa naturang condo unit na nagresulta ng pagkakahuli ng tatlong suspek.
Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang dalawang baril na pistola na 9mm Taurus at .22 Jennings, mga magazine at bala, 20 gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa pitong sachet na nagkakahalaga ng ₱136,800, isang vial ng pinaghihinalaang liquid ecstasy, isang posas, pekeng boodle money, Hyundai Starex van, isang plaka ng kotse, anim na susi ng kotse, dalawang mobile phones na kanilang ginamit sa extortion scheme, at iba’t ibang drug paraphernalia kabilang ang glass tube at lighter.