Sa botong 247 boto pabor, 10 tutol at walang abstention, inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 9642 o panukalang “New Espionage Act,” na naglalayong palakasin ang depensa ng bansa laban sa espionage, cyber-enabled spying, pag-atake sa critical infrastructure at iba pang umuusbong na banta sa pambansang seguridad.

Ayon sa mga mambabatas, hindi na lamang pagnanakaw ng dokumento o pagpasok ng mga espiya sa bansa ang espionage dahil maaari na itong isagawa gamit ang cyber networks, drones, financial channels at pag-atake sa critical infrastructure.

Sinabi ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos na ipagpapatuloy ng Kamara ang paggawa ng mga batas na makatutugon sa mga bagong banta at magbibigay sa pamahalaan ng mga kinakailangang kagamitan upang maprotektahan ang bansa.

Kabilang sa mga may-akda ng panukala sina Marcos at mga kinatawan na sina Ysabel Maria J. Zamora, Lordan G. Suan, Jurdin Jesus M. Romualdo, Gerville “Jinky Bitrics” Luistro at Javier Miguel Lopez Benitez, kasama ang iba pang mambabatas.

Itinatakda ng panukala bilang pangunahing konsiderasyon ang pambansang soberanya, territorial integrity, national interest at karapatan sa self-determination, habang inaatasan ang Estado na igalang ang mga karapatang konstitusyonal at pangunahing kalayaan.

-- ADVERTISEMENT --

Pinarurusahan nito ang hindi awtorisadong paghawak o pagbubunyag ng classified information na nakapipinsala o maaaring makapinsala sa Pilipinas, hindi awtorisadong pag-access sa mga plano ng critical infrastructure at defense facilities, at ilegal na pagpasok sa mga protektadong national defense assets at critical infrastructure.

Ang espionage at conspiracy to commit espionage ay paparusahan ng habambuhay na pagkakakulong nang walang parole o good conduct time allowance, bukod sa multang P10 milyon hanggang P20 milyon. Habambuhay ding pagkakakulong ang maaaring ipataw sa sinumang sadyang gumawa ng maling deklarasyon upang makakuha ng authorization o security clearance.

Ang mga government official na mapatutunayang nagkasala ay permanenteng mawawalan ng karapatang humawak ng pampublikong posisyon. Maaari ring litisin sa court-martial ang mga tauhan ng militar. Maaari ring managot ang mga opisyal ng mga juridical entity, habang ang mga dayuhang nahatulan ay ide-deport matapos ang kanilang sentensiya at permanenteng pagbabawalang bumalik sa Pilipinas.

Maaari ring imbestigahan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga ari-arian at pondong konektado sa espionage offenses, kabilang ang financial inquiries at court-approved examination ng mga kaugnay na deposito at investments.

Maaaring magtalaga ang Pangulo o awtorisadong kinatawan ng karagdagang lugar na gagamitin para sa military, classified o national security activities bilang mga prohibited place. Awtomatikong mapoprotektahan ang national defense premises at national security facilities. Ang sensitibong ebidensiyang makokolekta sa imbestigasyon at paglilitis ay limitado sa mga awtorisadong personnel na may need-to-know.

May 120 araw mula sa effectivity ng batas ang Department of National Defense, Department of Justice at National Security Council upang maglabas ng implementing rules matapos kumonsulta sa mga kaugnay na stakeholder. Magkakabisa ang batas 15 araw matapos mailathala kapag naisabatas na.