
Patay ang isang newborn baby matapos na ilibing nang buhay ng kanyang nanay sa isang maisan o cornfield sa bayan ng Bayambang, Pangasinan kahapon ng umaga, Pebrero 17.
Arestado naman ang 32-anyos na nanay nito na isang lady guard, may asawa, residente ng naturang bayan.
Sa inisyal na imbestigasyon, isang lalaki na nasa hustong gulang ang nagpunta sa kanyang maisan.
Pagdating sa kanyang maisan ay may nakita siyang mga bahid ng dugo kaya nagduda siya na may hindi magandang nangyari sa kanyang maisan.
Dahil dito, humingi siya ng tulong sa kanyang mga co-workers para tulungan siyang hanapin ang pinagmulan ng mga nakita niyang bahid ng dugo pero hindi nila natagpuan ang pinagmulan nito.
Inireport nila ito sa kanilang mga barangay official na agad namang tumulong sa kanila sa paghahanap kasama ang ilan pang residente.
Sa kanilang paghahanap ay may nakita silang kakaibang bunton ng damo sa ilalim ng isang puno.
Nang hukayin nila ay doon nila nakita ang itim na plastic bag na nakabaon sa lupa na halos limang pulgada ang lalim ng pagkakabaon.
Pagkabukas ng bag ay tumambad sa kanila ang isang bagong panganak na sanggol, na buhay pa pero nasa kritikal na kondisyon.
Agad na isinugod ang sanggol sa Bayambang District Hospital.
Gayunman, ang sanggol ay hindi na nagawang isalba pa ng umatending doktor.
Ayon sa attending physician, ang sanggol ay namatay dahil sa cardiorespiratory arrest.
Sa tuloy-tuloy na imbestigasyon ay natukoy at naaresto ng mga awtoridad ang suspek.




