Opisyal nang binuksan sa publiko ang bagong tourist attraction sa bayan ng Lal-lo, Cagayan.

Tampok sa grand opening event ng “Interactive Musical Fountain” na matatagpuan sa municipal park ang nakakabighaning water at light display o multi-color dancing fountain show na nagpamangha sa mga manonood.

Nagbigay naman ng paliwanag si Mayor Florante Pascual sa mga bumabatikos sa proyekto na bahagi ito ng tourism development programs ng lokal na pamahalaan sa layuning mapalakas ang sektor ng turismo na magbubukas ng trabaho at pagkakitaan at iba pang opurtunidad na makakatulong na maitaas ang kalidad ng pamumuhay ng mga mamamayan.

Binigyang-diin naman ni Vice Mayor Maria Olivia Pascual na ang fountain ay sumisimbolo sa patuloy na pagbabago ng bayan tungo sa progreso.

Kasunod nito ay pinuri ni Jennifer Baquiran, provincial tourism officer ang mga inisyatiba ng lokal na pamahalaan sa pagtataguyod ng turismo para sa pag-unlad ng ekonomiya.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi man aniya agad nakikita ang resulta ng industriya ng turismo subalit pangmatagalan naman ang epekto nito sa mga mamamayan dahil makakatulong ito sa pangkabuhayan ng ibat ibang sektor.

Inihayag naman ni Atty Mabel Mamba, nagsilbing kinatawan ng Gobernador sa grand opening ang kahalagahan ng mga pamumuhunan sa turismo bilang isang malaking tulong para sa pag-unlad ng isang lugar.

Sa makulay nitong mga display at makabagong disenyo, ang Interactive Musical Fountain ay nakatakdang maging isang destinasyong dapat puntahan, na nag-aalok sa mga residente at turista ng di malilimutan at kakaibang karanasan habang ipinapakita ang magandang kinabukasan ng Lallo bilang isang maunlad na sentro ng turismo.

Ang bayan ng Lal-lo ay ang dating Nueva Segovia na isa sa mga naunang syudad sa bansa kasama ang Manila, Naga at Cebu na itinatag noong panahon ng mga Kastila sa Pilipinas

Dito makikita ang mga lumang simbahan at tocolana ruins na pinapasyalan ng mga turista bukod sa Magapit Bridge na tinaguriang “Golden Gate of Cagayan”.