
Nagdadalamhati ang buong komunidad ng media sa Baguio City sa pagkawala ng dalawang photographers na nasawi matapos masagwan ang kanilang sasakyan sa Agno River sa Sitio Tabu, Barangay Dalupirip noong Biyernes ng hapon.
Ang mga nasawi ay sina Rodolfo Ong Tan, 68, isang driver at photographer, at si Neil Clark Ongchangco, photographer ng Baguio City Public Information Office.
Kasama nila ang apat pang pasahero sa kanilang SUV na pauwi sana sa Baguio City matapos magbigay ng libreng pictorial sa mga graduating students ng Damaso Comiles Elementary School.
Idineklara nang patay si Tan pagdating sa Itogon District Hospital dahil sa traumatic brain injury, habang si Ongchangco ay unang naiulat na nawawala ngunit natagpuan na patay bandang 7:05 ng gabi, humigit-kumulang 200 metro mula sa pinangyarihan.
Ang sasakyan ay nadala ng malakas na agos ng tubig ng humigit-kumulang 100 metro pababa mula sa lugar kung saan ito lumubog.
Si Tan ay kinilala bilang isa sa Baguio Outstanding Citizens noong 2022 dahil sa kanyang serbisyo sa komunidad at kontribusyon sa sining, kabilang ang photography workshops para sa mga batang may autism at mga outreach program sa Baguio at Benguet.
Si Ongchangco naman ay kilala sa lokal na photojournalism, nagdodokumento ng mga kaganapan at kultura, at nagbibigay din ng libreng serbisyo sa photography.
Bilang tanda ng pagdadalamhati, magsasagawa ang grupo ng cleansing ritual upang itaboy ang masasamang espiritu at matiyak ang kaligtasan ng media mula sa katulad na insidente sa hinaharap.










