
Posibleng umabot sa super typhoon category ang bagyong Francisco habang patuloy itong lumalakas sa silangang bahagi ng Philippine Sea, ayon sa pinakahuling weather bulletin.
Ayon sa ulat, huling namataan ang sentro ng bagyo humigit-kumulang 625 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan, habang kumikilos ito pa-west northwestward sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 175 kilometro kada oras malapit sa sentro at bugso na hanggang 215 kilometro kada oras.
Ang malalakas na hangin nito ay umaabot hanggang 360 kilometro mula sa gitna ng bagyo.
Dahil dito, itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes, hilagang-silangang bahagi ng Cagayan kabilang ang Gonzaga at Santa Ana, at ilang isla sa Babuyan Islands.
Patuloy namang pinapayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na maghanda sa posibleng epekto ng malalakas na hangin at pag-ulan habang inaasahan ang susunod na weather bulletin mamayang alas-11:00 ng gabi.










