
Posibleng lumakas bilang super typhoon ang bagyong Champi sa pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa susunod na linggo, ngunit mababa pa ang tiyansang direktang tumama ito sa kalupaan ng Pilipinas.
Batay sa mga paunang pagtataya ng mga weather model, posibleng tumungo ang bagyo sa Taiwan at Ryukyu Islands sa susunod na linggo.
Gayunman, hindi inaalis ang posibilidad na maapektuhan ng sirkulasyon nito ang Extreme Northern Luzon sa huling bahagi ng susunod na linggo.
Posible ring magdulot ng pag-ulan sa silangang bahagi ng bansa ang trough o extension ng mga kaulapan ng bagyo.
Dahil malayo pa ang inaasahang paglapit ng Champi, maaari pang magbago ang direksiyon at lakas nito.
Kaya naman, pinapayuhan ang publiko na manatiling mapagmatyag at sumubaybay sa mga opisyal na abiso ng weather bureau sa halip na agad mabahala sa mga kumakalat na ulat sa social media.










