
Humihingi ng tulong ang isang pamilya na nasunugan ng bahay nitong Lunes sa College Avenue, Caritan Sur, Tuguegarao City.
Kwento ni Ginang Avelina Isabedra, wala silang naisalbang mga gamit kundi ang dala lamang nilang damit, ngunit lubos pa rin itong nagpapasalamat sa Panginoon dahil ligtas ang kanyang pamilya.
Posible umanong nagsimula ang sunog sa isang motorsiklo na sumiklab at mabilis na kumalat sa bahay dahil gawa lamang ito sa light material.
Dagdag pa ng Ginang na maaari sanang naagapan ang pagkalat ng apoy kung nagpahiram ng fire extinguisher ang kalapit nilang convenience store.
May ilang residente rin aniya ang mas inuna ang pagkuha ng video ng sunog sa halip na tumawag sa Bureau of Fire Protection (BFP) na agad sanang nakapag-responde.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng BFP ang tunay na pinagmulan at halaga ng pinsala ng sunog.










