Patay ang isang punong barangay matapos na tambangan ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Purok 7, Barangay Cabisera 27, Ilagan City.

Kinilala ang biktima na si Avelino Quitola, 62-anyos ng nasabing barangay.

Agad na rumesponde ang mga pulis ng Ilagan Component City Police Station nang makatanggap ng ulat sa pamamaril sa nasabing lugar, subalit hindi na nadatnan ng mga pulis ang biktima dahil sa agad siyang dinala sa pagamutan.

Sa imbestigasyon, galing ang kapitan sa pag-aari niyang establisyimento sa Bgry. Villa Imelda kasama ang asawa ngunit nauna nang umuwi sakay ng E-bike habang si Quitola ay lulan ng kanyang kolong-kolong.

Nang makarating sa Purok 7 sa naturang lugar na loobang bahagi ng maisan at kalapit ng sementeryo ay doon na pinagbabaril ang biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Dead on arrival sa pagamutan ang biktima dahil sa mga tinamong sugat mula sa hindi pa mabatid na uri ng baril na ginamit ng riding in tandem kriminal.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon at pagtugis sa mga salarin ang mga awtoridad sa Isabela.