Inaasahan ng House prosecution panel na maiprisinta nito ang unang testigo sa pagbubukas ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa July 6 sa Senado.

Ayon kay House prosecution panel legal spokesperson Benjamin “Jay” Tolosa Jr., nakatakdang tumestigo ang kanilang unang saksi sa unang araw ng paglilitis.

Aniya, isasagawa muna ang presentasyon ng mga testigo at ebidensiya tuwing Lunes hanggang Miyerkules bago ang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27. Pagkatapos nito, lilipat ang iskedyul ng paglilitis sa Martes hanggang Huwebes kada linggo.

Humiling ang prosekusyon ng 62 trial days para sa presentasyon ng kanilang ebidensiya, habang 30 araw naman ang hiniling ng depensa.

Sinabi ni Tolosa na batay sa iskedyul na hinihingi ng magkabilang panig, maaaring tumagal ng hindi bababa sa tatlong buwan ang paglilitis, bagama’t maaari itong mapabilis depende sa daloy ng presentasyon ng mga testigo at ebidensiya.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang sinabi ng House prosecution panel na plano nitong magprisinta ng 57 testigo at libo-libong dokumento, kabilang ang mga rekord na may kaugnayan sa confidential funds ng Bise Presidente.

Natapos ang pre-trial proceedings noong Hunyo 25, na nagbigay-daan sa pagsisimula ng impeachment trial sa Hulyo 6.