TUGUEGARAO CITY – Nais lamang umanong maghiganti sa naka-away kung kaya ninakaw ng isang 23-anyos na lalaki ang baril ng kanyang tiyuhing pulis sa lungsod ng Tuguegarao.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Isabelita Gano, tagapagsalita ng PNP-Tuguegarao na inakyat ng suspek na si Joel Dave Lacambra, 21-anyos ng Barangay Libag ang 2nd floor ng bahay habang wala ang kanyang tiyuhin na si Police Major Edmundo Mamanao na nakatalaga sa Police Mobile Force Company.

Subalit pagkauwi ng pulis sa kanyang tahanan ay laking gulat na lamang nito na pwersahang binuksan ang kanyang drawer at nawawala na ang kanyang service firearm na 9mm pistol.

Pinuntahan naman ng mga otoridad si Joel at inimbestigahan hanggang sa umaming siya ang nagnakaw ng baril.

Nabawi ng biktima ang kanyang baril habang nahaharap sa kasong robbery ang suspek na nasa kostodiya na ng pulisya.

-- ADVERTISEMENT --

Depensa naman ng suspek na nais lamang umano nitong paghigantian ang nakaaway kung kaya nagnakaw ito ng baril.