Patay ang magkapatid na batang lalaki at babae, habang sugatan naman ang isang senior citizen sunog sa isang bahay sa Purok Lison, Barangay 1, Bacolod City kahapon.
Natagpuan ang sunog na bangkay ng walong taong gulang lalaki at kapatid nitong anim na taong gulang na babae nang maapula ng mga bumbero ang sunog.
Nagtamo naman ng paso sa katawan ang 63-anyos na lalaki.
Ayon kay Barangay Captain Cesar Rallos, nagsimula ang sunog 2:19 ng madaling araw matapos ang brownout dahilan para magsindi ng kandila ang mga residente.
Sinabi naman ni Fire Officer 2 Rolin Paulan, chief arson investigator ng Bacolod City Fire Station, nagsimula ang apoy sa sinindihang kandila na nasa ibabaw ng lamesa na malapit sa kama ng magkapatid.
Ayon kay Paulan, iniwan ang mga biktima na natutulog dahil sa bumili ng pagkain ang kanilang ina ng hatinggabi.
Tinupok ng apoy ang bahay na gawa sa light materials.
Sinabi ni Paulan, sinikap ng kanilang lolo na nakatira malapit sa nasunog na bahay na iligtas ang kanyang mga apo, subalit malaki na ang apoy, at nakulong sa loob ang dalawang bata.
Nakita ang mga biktima malapit sa kahoy na pader malapit sa kanilang kama.