Patay ang isang 17-anyos na binatilyo matapos malunod sa Tullahan River sa Barangay Sta. Lucia, Novaliches, Quezon City nitong Huwebes ng umaga.

Batay sa ulat ng mga opisyal ng barangay, nangangalakal umano ang biktima sa lugar nang lumusong ito sa ilog at hindi namalayang malalim ang tubig. Sinubukan pa umano nitong humingi ng tulong bago tuluyang nalunod.

Alas-12:30 ng tanghali nang ireport ng ama ng biktima sa barangay ang insidente, at bandang alas-12:40 ay nakuha na ang katawan ng binatilyo. Ayon sa barangay, posibleng higit isang oras na itong nalunod bago maiahon.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na kasama lamang ng biktima ang isa pang nangangalakal nang mangyari ang insidente. Wala ring nakitang palatandaan ng foul play o sugat sa katawan ng biktima.