
Isang testigo ng prosekusyon sa kasong malversation laban kay dating senator Bong Revilla ang nagsabing naghatid siya ng mga kahon at maleta na kalaunan ay napag-alamang naglalaman ng malaking halaga ng pera para sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno.
Sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division, tumestigo si Vergel Niño Garcia, dating driver at aide ni dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo.
Ayon sa kanya, ginawa niya ang mga delivery mula 2023 hanggang 2025 base sa utos ni Bernardo, kahit hindi niya alam noon na pera ang laman ng mga ito.
Kabilang sa umano’y pinagdalhan ng mga kahon ay sina senator Jinggoy Estrada, dating Public Works Secretary Manuel Bonoan, yumaong dating undersecretary na si Cathy Cabral, at dating Education Undersecretary Trygve Olaivar.
Sa kanyang salaysay, sinabi niya na para kay Revilla ang 12 kahon na dinala sa isang “white house” sa Cavite noong Pebrero 2025; para naman kay Estrada ang 12 kahon na dinala sa San Juan noong November 2024, at nakita pa umano niya ito ng personal.
Umabot naman sa 55 kahon ang inihatid kay Bonoan sa iba’t ibang lugar, kabilang ang hotel at isang restaurant sa Quezon City.
Sinabi niya na dalawang beses naman siyang naghatid ng paper bag at kahon kay Cabral noong 2023, habang 15 kahon at apat na maleta ang naipadala niya kay Olaivar mula 2023 hanggang 2024.
Binanggit din ni Garcia na may mga kahon siyang dinala sa isang indibidwal na may pangalang Carleen Villa, na iniuugnay umano sa kampo ni dating senator Nancy Binay, gayundin sa isang gusali ng Cherry Mobile na hindi niya alam kung sino ang tatanggap.
Sa kabila ng dami ng kanyang mga naihatid, sinabi ni Garcia na hindi niya pinagdudahan ang laman ng mga kahon dahil nagtitiwala siya kay Bernardo at naniniwalang hindi siya nito ilalagay sa alanganin.










