Iginiit ni House prosecutor at Manila 3rd District Representative Joel Chua na dapat buksan sa pampublikong pagdinig ng impeachment trial ang selyadong kahon na naglalaman ng income tax returns (ITRs) ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio.

Ayon kay Chua, hindi na kailangan ang executive session dahil ang Senado ay nagsisilbi nang impeachment court, na maihahambing aniya sa isang regular na hukuman na maaaring mag-utos sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na magsumite ng tax records bilang ebidensya.

Nais gamitin ng House prosecution ang mga dokumento bilang bahagi ng ebidensya sa kasong may kaugnayan sa umano’y unexplained wealth, hindi tamang deklarasyon sa SALN, at kabiguang mag-divest sa mga negosyo habang nasa puwesto si Vice President Duterte.

Samantala, naninindigan ang kampo ng Bise Presidente na dapat lamang buksan ang BIR records sa executive session dahil sa usapin ng due process at pagiging kumpidensyal ng mga tax record.