
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya laban sa mga estudyanteng nagpakalat ng bomb threat sa social media, na naging dahilan ng pagsususpinde ng klase sa 17 pampublikong paaralan sa Camalaniugan at Lal-lo, Cagayan.
Ayon kay Police Capt. Sheila Joy Fronda, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office, siyam na paaralan ang nakatanggap ng bomb treat ngunit umabot sa 17 paaralan ang isinailalim sa inspeksyon.
Makalipas ang ilang oras ng imbestigasyon at inspeksyon ng mga otoridad, idineklarang clear o walang natagpuang bomba ang lahat ng paaralan kung saan ipinagpatuloy na ang mga klase ngayong araw.
Sa ngayon, inaalam pa ng pulisya ang pinagmulan ng bomb threat na kumalat sa pamamagitan ng group chat ng mga estudyante na ginawang isang biro lamang.
Binigyang-diin ni Fronda na hindi biro ang ganitong gawain at ang mga responsable ay haharap sa kaukulang kasong kriminal.








