Inaasahang boboto ngayong hapon ang House of Representatives sa Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kamara.

Ayon sa mga mambabatas, posibleng makuha ng liderato ni Speaker Faustino Dy III ang kinakailangang 106 boto upang maipasa ang impeachment at maipadala ito sa Senado para sa paglilitis.

Sinabi ni House justice committee chairperson Rep. Gerville Luistro na handa silang depensahan ang committee report, findings of probable cause, at ang Articles of Impeachment sa plenaryo.

Ilan pang mambabatas ang nagsabing posibleng mas mataas pa sa minimum requirement ang makuhang boto, na maaaring umabot sa 180 hanggang 215, batay sa mga naunang pagtataya.

Isasagawa ang botohan sa pamamagitan ng nominal voting kung saan bawat kongresista ay maaaring magpaliwanag ng kanilang boto.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga alegasyon sa impeachment ang umano’y iregularidad sa P612.5 milyong confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman na umaabot sa P6.77 bilyon, bribery, at kontrobersyal na pahayag laban sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, kailangan ang hindi bababa sa one-third o 106 boto mula sa 318 miyembro ng Kamara upang maipasa ang impeachment at maipadala sa Senado para sa paglilitis.