
Limang katao ang nasawi matapos mahulog sa bangin ang isang police patrol vehicle na kabilang sa security detail para sa mga organizer ng Binibining Pilipinas nitong Biyernes ng hapon sa Barangay Napangan, bayan ng Don Victoriano.
Batay sa ulat ng Misamis Occidental Police Provincial Office, kabilang sa mga nasawi ang apat na miyembro ng 2nd Provincial Mobile Force Company: PCpl Vilcon Tuyan Macabugto, Pat Niljie Arsula Marban, Pat Rodelyn Ruiz Pacut, at Pat Louel Geraga Cordova.
Pumanaw rin si Provincial Tourism Officer Christine Tan Fortich na kasama sa nasabing sasakyan.
Sa paunang imbestigasyon, binabagtas ng convoy ang matarik at pababang bahagi ng kalsada nang biglang mawalan umano ng kontrol ang patrol vehicle.
Dumiretso ito sa gilid ng daan at tuluyang nahulog sa malalim na bangin.
Agad namang rumesponde ang mga rescuer at nailigtas ang limang iba pang sakay na nagtamo ng mga sugat at pinsala sa katawan.
Isinugod sila sa pinakamalapit na ospital at kasalukuyang ginagamot.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung ang insidente ay dulot ng mechanical failure, problema sa preno, o pagkakamali ng driver.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan at ang regional command ng Philippine National Police sa mga naulilang pamilya ng mga biktima.






