
SENSITIBONG BALITA: Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa mga magulang na mas tutukan at gabayan ang kanilang mga anak.
Ito’y matapos mahulihan ng drug paraphernalia at patalim ang isang Grade 7 student sa loob ng isang paaralan sa Talisay City, Negros Occidental sa unang araw ng klase noong June 8.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., mahalagang manatiling aktibo ang mga magulang sa pagmo-monitor sa mga gawain at mga taong nakakasalamuha ng kanilang mga anak upang maiwasan silang masangkot sa iligal na aktibidad.
Dinala ang estudyante sa barangay hall kung saan sinabi nitong iniingatan lamang niya ang mga nasabing bagay para sa kanyang pinsan.
Kalaunan ay isinailalim siya sa isang reformation center para sa nararapat na intervention.
Iniutos na rin ni Nartatez ang masusing imbestigasyon upang mapanagot ang mga sangkot sa insidente.










