
Hinikayat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga pribadong kumpanya na isulong ang Personal Equity and Retirement Account (PERA) para sa kanilang mga empleyado, bilang bahagi ng pagpapalakas ng retirement savings sa bansa.
Ayon sa BSP, may kaakibat na insentibong buwis para sa mga employer na tutugma o hihigit pa sa kontribusyon ng kanilang mga empleyado sa PERA. Maaaring mag-claim ang mga employer ng tax deduction na katumbas ng 150% ng kanilang ambag.
Binubuo ito ng 100% tax deduction sa ilalim ng PERA law at karagdagang 50% incentive sa ilalim ng Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA).
Ayon sa BSP, ang PERA ay isang boluntaryong retirement savings program na nagsisilbing dagdag sa mga umiiral na pension system tulad ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS).
“By promoting PERA, businesses can help employees save and invest more, while also benefiting from improved employee satisfaction and retention,” pahayag ni BSP Deputy Governor Lyn Javier.
Sa ilalim ng PERA, maaaring mag-invest ang mga miyembro sa stocks, bonds, at iba pang financial instruments na may mga tax exemption. Maaaring maghulog ang locally employed at self-employed ng hanggang P200,000 kada taon, habang P400,000 naman para sa overseas Filipinos.
Noong Abril 2026, naging unang universal bank ang East West Banking Corporation na naglunsad ng employer-sponsored PERA program na may voluntary enrollment.
Patuloy namang hinihikayat ng BSP ang iba pang bangko at kumpanya na sumunod sa ganitong hakbang, na layuning palawakin ang investor base at palakasin ang capital market sa bansa.










