Tinulungan ng mga pulis ang isang buntis na malapit nang manganak sa bayan ng Solana, Cagayan.

Habang nagsasagawa ng Mobile Patrolling sina PCpl Avelino Bangayan Jr at Pat Karl Nixon Mabborang sa Brgy. Cattaran, napansin nila ang ilang residente na naghihintay ng ambulansya upang maihatid sa Municipal Health Office ang isang buntis na malapit nang manganak.

Lumapit ang Barangay Health Worker (BHW) at nakiusap kung maaari umanong ihatid na lamang ng mga pulis ang buntis dahil hindi pa dumarating ang ambulansya.

Walang pag-aalinlangang pumayag ang mga mobile patrollers upang agad na maihatid ang buntis sa pagamutan.

Habang patungo sa Municipal Health Office, humilab ang tiyan ng ginang at doon mismo sa likurang bahagi ng 4×2 Mobile Patrol Vehicle siya nanganak, sa tulong ng Barangay Health Worker ng Brgy. Cattaran.

-- ADVERTISEMENT --

Matagumpay at ligtas na naihatid sa Municipal Health Office ang mag-ina para sa karagdagang medikal na atensyon.