
Inilunsad ng Department of Science and Technology o DOST, sa pangunguna ni Renato Solidum Jr., ang Cagayan Innovation Hub o iHub at SARAI Provincial Hub sa lalawigan ng Cagayan ngayong Lunes, Marso 16, 2026.
Ang iHub ay magsisilbing sentro ng pananaliksik, inobasyon at kolaborasyon kung saan magtutulungan ang pamahalaan, akademya at industriya upang makabuo ng mga makabagong teknolohiya at solusyon para sa pag-unlad ng lalawigan.
Samantala, ang Project SARAI o Smarter Approaches to Reinvigorate Agriculture as an Industry in the Philippines ay magbibigay ng science-based information tulad ng climate data, crop monitoring at iba pang makabagong teknolohiya na makatutulong sa mga magsasaka sa tamang pagpapasya sa pagtatanim.
Layunin ng proyekto na mapataas ang produksyon ng pananim at maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka laban sa epekto ng pabago-bagong klima.
Ayon kay Dost secretary Renato Solidum na maaaring tumaas ng hanggang 15 hanggang 30 porsyento ang produksyon ng palay ng mga magsasaka sa pamamagitan ng mga proyektong ito.
Aniya maaaring gamitin ng mga magsasaka ang Sarai technology upang masubaybayan ang kanilang taniman at mapahusay ang produksyon.
Bukod dito, may teknolohiyang tinatawag na plant growth promoter na inilalagay bilang foliar fertilizer na nagbibigay ng agarang positibong epekto sa paglaki ng pananim.
Ipinaliwanag pa ni Solidum na sa pamamagitan ng paggamit ng agham, teknolohiya at tamang datos, inaasahang magiging mas moderno, mas matatag at mas handa sa mga hamon ng panahon ang sektor ng agrikultura ng mga Cagayano.
Bahagi rin ng programa ang Memorandum of Agreement signing at ang opisyal na turn-over ng Automated Weather Station sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at sa Lokal na Pamahalaan ng Tuguegarao City.










