
Nagwagi bilang overall champion ang koponan ng Cagayan sa ginanap na Cagayan Valley Rescue Olympics 2026.
Pinangunahan ni Robert Umuso, Nurse IV ng Provincial Health Office ang sampung miyembro ng koponan mula sa ibat-ibang Disaster Risk Reduction and Management Office na nagpamalas ng kahusayan sa pagresponde sa mga sakuna.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Umuso na pinaghandaan nila ito sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagsasanay at pagbuo ng teamwork.
Kinailangan nilang kumpletuhin ang limang mahihirap na istasyon sa loob ng tatlong oras, kabilang ang pagtugon sa sunog, pagresponde sa pagkalunod, CPR, first aid, rope rescue, at pagliligtas sa isang 130-kilong pasyente sa isang madilim na tunnel.
Nagawa ng koponan ng Cagayan na tapusin ang hamon sa loob ng 2 oras at 15 minuto.
Bukod sa karangalan, nakatanggap ang pangkat ng P100,000 cash prize mula sa Office of Civil Defense (OCD), na iniuwi matapos ang awarding ceremony sa Ayala Museum sa Makati City.
Nagbigay din ng karagdagang P10,000 at insurance coverage para sa mga miyembro ang isang pribadong kumpanya.
Dahil sa tagumpay na ito, kakatawanin ng Cagayan ang Region 2 sa nalalapit na National Rescue Olympics na inaasahang gaganapin sa 2027 o 2028.










