Hinikayat ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang publiko na pakinggan ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 27, upang mapakinggan at masuri ang mga isyung tatalakayin ng Pangulo.

Ayon kay Cayetano, mahalagang pakinggan ng publiko ang mensahe ng Pangulo, maging ang mga sumusuporta o kumokontra sa administrasyon, upang malaman kung alin sa mga pahayag nito ang kanilang sinasang-ayunan o hindi.

Kabilang sa inaasahang tatalakayin sa SONA ang Pax Silica, isang inisyatibang pinangungunahan ng Estados Unidos na naglalayong palakasin ang pandaigdigang supply chain para sa artificial intelligence, semiconductors at iba pang kritikal na teknolohiya. Sinabi ni Cayetano na may kaakibat na epekto ang pagsuporta o pagtutol sa naturang proyekto, kabilang na sa mga residente ng Clark at mga karatig-lugar.

Iginiit din ng senador na ang kanyang mga pahayag tungkol sa kriminalidad at kultura ng katiwalian ay pangkalahatang obserbasyon lamang at hindi tumutukoy sa anumang partikular na tao o grupo. Dagdag pa niya, nais niyang talakayin ang kaibahan ng paglaban sa korapsyon at sa tinawag niyang kultura ng korapsyon bago ang SONA kung magkakaroon ng pagkakataon.

Samantala, walang pagdinig sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Hulyo 27 at 28 upang bigyang-daan ang SONA ni Pangulong Marcos at ang tradisyunal na Kontra-SONA ng Senate minority. Magpapatuloy ang paglilitis sa Miyerkules, Hulyo 29, sa bagong iskedyul na alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.

-- ADVERTISEMENT --