
Tinawag ni Senator Alan Peter Cayetano na hindi simpleng usapin ng liderato ang tensyon sa Senado, at iginiit na kaya itong maresolba sa loob lamang ng isang hapon kung ito ay purong usapin ng pagpili ng Senate President.
Sa isang pahayag sa Facebook, sinabi ni Cayetano na ginagamit umano ang isyu ng liderato upang mailihis ang atensyon mula sa imbestigasyon sa umano’y flood control scandal.
Giit niya, ang tunay na isyu ay ang pagpapanagot sa mga alegasyon ng korapsyon at ang umano’y pagtatangka na kontrolin ang mga komite ng Senado upang maimpluwensiyahan ang mga imbestigasyon.
Binigyang-diin din ng senador na ang kapangyarihan ng pag-iimbestiga ay hindi pribilehiyo ng iilang opisyal kundi tiwala ng taumbayan na dapat gamitin para sa transparency at pananagutan.
Ayon pa kay Cayetano, ang umano’y anomalya sa flood control projects ay may malawak na epekto sa publiko dahil sa pinsalang dulot nito sa komunidad, imprastraktura, at serbisyo ng gobyerno.









