
Itinanggi ng Chinese Embassy ang mga alegasyon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. kaugnay sa pagkakaaresto sa mga Chinese workers sa Sanjia Steel sa Misamis Oriental, at inakusahan ang kalihim ng pagbaluktot sa mga katotohanan.
Kinuwestiyon din ng embahada kung bakit mga Chinese worker lamang ang inaresto at dinala sa Maynila sakay ng military aircraft, habang pinalaya ang mga Filipino worker.
Iginiit din nitong hindi umano nasunod ang ilang proseso para sa konsular na pagbisita at abiso sa China.
Samantala, nanindigan si Teodoro na may sapat na ebidensyang nag-uugnay sa mga Chinese nationals sa umano’y paggamit ng substandard at radioactive steel, pagtatapon ng maruming tubig at pagpapakawala ng nakalalasong usok.
Tinawag din niya itong “squid tactic” ang pahayag ng China at inakusahan ang Beijing ng pagbabanta sa mga Pilipino.
Noong Mayo, 69 Chinese nationals at isang Filipino ang inaresto sa operasyon sa planta matapos umanong makita ang mga posibleng paglabag sa immigration, labor at public safety laws, gayundin ang mga materyales na maaaring mapanganib at radioactive.










