Inakusahan ng Chinese Embassy sa Pilipinas si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ng pagbaluktot umano sa mga katotohanan kaugnay ng pagkakaaresto sa 69 Chinese workers sa isang steel plant sa Tagoloan, Misamis Oriental.

Kinuwestiyon ng embahada ang naging papel ng Armed Forces of the Philippines sa operasyon at kung bakit mga Chinese worker ang inaresto sa halip na ang mga responsable sa pagpapatakbo ng planta.

Tinanong din nito kung bakit dinala sa Maynila ang mga Chinese nationals sakay ng military aircraft.

Samantala, iginiit ni Teodoro na ilegal ang umano’y mga aktibidad sa planta, kabilang ang paggamit ng substandard at radioactive na bakal, pagtatapon ng maruming tubig at pagpapakawala ng nakalalasong usok.

Nanindigan din siyang may sapat na ebidensyang nakalap ang mga awtoridad.

-- ADVERTISEMENT --

Itinanggi naman ng embahada ang alegasyon na nakikialam ito sa local law enforcement at iginiit na tungkulin nitong tiyakin ang kapakanan at karapatan ng mga Chinese nationals na nakakulong sa ibang bansa.