
Pinag-aaralan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC ang posibleng pagsasampa ng kaso at disbarment laban sa isang abogado na umano’y nagpapakalat ng maling impormasyon at nanghihikayat ng kaguluhan online.
Ayon kay CICC Undersecretary Aboy Paraiso, pinaigting ng pamahalaan ang kampanya laban sa fake news at mga online content na maaaring lumabag sa batas, kabilang ang inciting to sedition.
Sinabi ni Paraiso na kabilang sa sinusuri ng ahensya ang isang abogado na umano’y nananawagan ng rebolusyon sa social media.
Dagdag pa niya, patuloy na tinitingnan ng pamahalaan ang mga legal na hakbang laban sa mga indibidwal na gumagamit ng online platforms upang maghasik umano ng maling impormasyon at kaguluhan.





