Inirekomenda ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang pagsasampa ng mga reklamo para sa paglabag umano sa Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act, laban sa 11 indibidwal kaugnay ng pagkamatay ng dalawang student-athlete ng Ateneo de Manila University sa isang team-building activity sa Aurora.

Iniharap sa isang punong balitaan nitong Biyernes, ang mga inirerekomendang respondent ng CIDG, kabilangan sina:

Tab Baldwin, dating head coach
Grant Dearns, strength and conditioning coach
Caesar Vincent Javellana Elumba, strength and conditioning coach
Dean Caesar B. Castaño, assistant coach
Sandro Nicholas Romero Soriano, assistant coach
Reynaldo C. Jacinto Jr., assistant coach
Paolo Manuel Maceda Adevoso, student manager
Andrew Lorenzo Bondoc Salud, student manager
John Eric Quiambao Rueca, physical therapist
Aris Ramos Pronce, utility/ball boy
Joel Palmiano Rapa, utility/ball boy

Sinabi ni Justice Secretary Jonvic Remulla na ipadadala ang rekomendasyon sa Department of Justice, na siyang tutukoy kung may probable cause at kung anong mga kaso, kung mayroon man, ang dapat isampa.

Sinabi ni Assistant Secretary Brian Mey Tomas na natuklasan ng mga imbestigador na isinailalim ang mga manlalaro sa matitinding pisikal na aktibidad, punishment exercises, at sea-based training na may mga mapanganib na kondisyon bago nalunod ang dalawang student-athlete noong Hunyo 8.

-- ADVERTISEMENT --

Naniniwala ang CIDG na maaaring maituring na hazing ang mga pangyayari sa ilalim ng Anti-Hazing Act, bagama’t ang DOJ ang gagawa ng pinal na desisyon pagkatapos magsagawa ng paunang imbestigasyon.

Binanggit din ni Remulla ang mga testimonya mula sa mga dating manlalaro ng Ateneo na nagsabing nagkaroon ng mga katulad na insidente ng kamuntikang pagkalunod sa isang training camp noong 2016 sa parehong lokasyon, na kinokontra ang naunang pahayag ng dating coach na si Baldwin na wala pang ganitong insidente na nangyari noon.

Sinabi ng kalihim na binago ang Anti-Hazing Act para maisama ang anumang mga batas na nagreresulta sa pisikal o sikolohikal na pagdurusa, kapahamakan o pinsala. Idinagdag niya na isa pang elemento ang mga “prerequisite” para makapasok o patuloy na maging miyembro.

Noong Hunyo 8, inanunsyo ng Ateneo de Manila na namatay ang dalawa sa kanilang mga student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili, sa isang insidente ng pagkalunod habang isinasagawa ang isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora