Iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang Cotabato City ang nag-iisang lugar sa bansa na nakapagtala ng “danger-level” heat index o pagitan ng 42°C hanggang 51°C kahapon, Abril 12.

Batay sa kanilang datos, umabot sa 42°C ang heat index sa lungsod, at inaasahan ding mananatili ito sa parehong antas ngayong araw ng Lunes.

Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na mag-ingat laban sa nararanasang matinding init na maaaring magdulot ng heat cramps, heat exhaustion, o heat stroke.

Samantala, ilang lugar naman ang nasa kategoryang “extreme caution” (33°C hanggang 41°C), kabilang ang Tanay at Central Mindanao University Agromet Station.

Mayroon ding mga lugar na nakapagtala ng mas mababang heat index na itinuturing na “not hazardous” o mas mababa sa 27°C, gaya ng Baguio City, Benguet State University, at Benguet Radar Station.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag ng PAGASA, ang heat index ay tumutukoy sa init na nararamdaman ng katawan ng tao batay sa kombinasyon ng temperatura ng relative humidity. Kapag mataas ang humidity, mas bumabagal ang pag-labas ng pawis, kaya mas nahihirapan ang katawan na magpalamig.