
Naglabas ng freeze order ang Court of Appeals laban sa mga ari-arian ng dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Ang tinutukoy ni Remulla ay ang Anti-Money Laundering Council (AMLC), na nagsabing nakakuha ito ng freeze order laban sa isang prominenteng kasalukuyang mambabatas na umano’y sangkot sa anomalya sa mga flood control project.
Hindi pinangalanan ng AMLC ang mambabatas, pati na rin ang business associate at isang corporate entity na umano’y sangkot din sa mga iregularidad.
Ang tatlong ito ay saklaw ng freeze order.
Ayon sa AMLC, sakop ng freeze order ang 25 bank accounts at 10 insurance policies na nakarehistro sa pangalan ng nasabing mambabatas.
Dagdag pa ng AMLC, kabilang din sa na-freeze ang 27 bank accounts, 10 insurance policies, at isang investment account na nakapangalan sa umano’y business associate ng mambabatas, pati na ang dalawang bank accounts, pitong property accounts, at isang real estate property na nakarehistro sa pangalan ng corporate entity.
Sinabi ng AMLC na nakakita ang Court of Appeals ng probable cause na iugnay ang mga ari-arian sa kasong plunder sa ilalim ng Republic Act 7659, direct at indirect bribery sa ilalim ng Revised Penal Code, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act 3019.









