
Ipinag-utos ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa pagbili at pamamahagi ng subsidized farm inputs at mga makinarya.
Ito ay bilang tugon ni Tiu Laurel sa mga reklamo mga magsasaka sa kanila na walang nakitang iregularidad sa isinagawang routine review kamakailan.
Puntirya ng imbestigasyon ang mga sumbong na pagkaantala ng deliveries ng mga fertilizer at pamamahagi ng mga makinarya sa ilalim ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), na namamahala sa bilyong-bilyong pondo bawat taon sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Sinabi ni Tiu Laurel na pananagutin ang mga opisyal ng DA na mapapatunayan na sangkot sa kalokohan, habang ang mga supplier na mabibigo na matugunan ang kanilang mga obligasyon ay pagmumultahin o blacklisting.
Ayon kay Tiu Laurel iimbitahan nila ang grupo ng mga magsasaka para matulungan sila na maresolba ang nasabing problema.
Batay sa alegasyon ng mga grupo ng mga magsasaka, na naiimpluwensiyahan ang pagpopondo ng isang maliit na grupo ng mga opisyal ng DA at political backers, kung saan pinapaboran umano ang ilang suppliers at nagbabayad umano ng komisyon ang ilang bidders.
Sinabi ng mga grupo, kabilang sa mga problema ay substandard seeds, hindi tamang fertilizer grades, hindi magandang kalidad ng mga makinarya at iba pa.










