Isiniwalat ng isang ulat na nagtayo umano ang Israel ng isang lihim na military outpost sa disyerto ng Iraq na sinasabing ginamit bilang suporta sa kampanya nito laban sa Iran.

Ayon sa Wall Street Journal, ang pasilidad ay nagsilbing logistics hub at kinalalagyan ng mga special forces at search-and-rescue units para sa mga operasyong militar sa rehiyon.

Batay sa ulat, itinayo ang base bago pa man ang mas malawak na operasyong militar ng Israel at Estados Unidos laban sa Iran, at may kaalaman umano rito ang United States.

Iniulat din na muntik nang matuklasan ang naturang base noong Marso matapos mag-ulat ang Iraqi state media tungkol sa kahina-hinalang aktibidad ng militar sa lugar, kabilang ang paggalaw ng helicopter.

Sinabi sa ulat na nagpadala ng mga tropa ang Iraqi military upang beripikahin ang sitwasyon, ngunit napigilan umano ang paglapit ng mga ito matapos ang serye ng airstrike na iniuugnay sa Israel.

-- ADVERTISEMENT --

Sa hiwalay na reklamo sa United Nations, iginiit ng Iraq na sangkot sa insidente ang mga dayuhang pwersa at isinisi ito sa Estados Unidos, subalit may mga ulat na nagsasabing hindi kasama ang US sa naturang operasyon.

Wala pang pahayag ang pamahalaan ng Israel kaugnay ng ulat.