
Patay na nang matagpuan ang isang 17-anyos na babae sa Barangay 12, Bacolod City.
Ayon sa pulisya, nakagapos ang mga kamay at walang saplot na pang-ibaba nang matagpuan sa madamong bahagi ng reclamation area ang dalagita
Huling nakitang buhay ang biktima noong Martes nang umalis ng kanilang bahay pero hindi na nakauwi pa.
Ayon kay Police Captain Francis Depasucat, hepe ng Police Station 1, kinilala ng mga kamag-anak ang bangkay ng biktima na isasailalim sa awtopsiya.
May nakita rin umanong mga galos at sugat sa katawan at braso ng biktima.
Susuriin din ng pulisya ang mga CCTV camera sa lugar na maaaring makatulong sa imbestigasyon para malaman kung sino ang mga tao na huling nakasama ng biktima.
Samantala, kinondena ni Bacolod City Mayor Greg Gasataya ang krimen at nag-alok ng P100,000 pabuya sa makapagtuturo sa salarin.
Kasabay nito, ipinag-utos ni Gasataya sa mga awtoridad na agad na tugisin ang mga suspek sa nasabing krimen.
Sinabi niya na nakipag-ugnayan na siya sa Bacolod City Police Office para magamit ang lahat ng resources at magkaroon ng lead at mahuli ang mga salarin sa lalong madaling panahon.










