Patay ang dalawang lalaki matapos na ma-aksidente ang kanilang sinakyang motorsiklo sa Barangay Naruangan, Tuao, Cagayan.
Sinabi ni PLT Jocelyn Hernandez, deputy chief of police ng Tuao PNP, sa kanilang imbestigasyon, at batay na rin sa salaysay ng saksi, hindi napansin ng driver ng motorsiklo na si alyas Reymund, 33-anyos ang lubak sa bahagi ng provincial road sa Naruangan.
Dahil dito, nawalan ng balanse ang motor, kung saan bumangga ito sa isang poste at tumilapon sa palayan ang dalawang sakay nito, kabilang ang isang 18-anyos.
Agad na tumawag sa PNP sa Tuao East ang nakakita sa insidente, na rumesponde sa lugar at dinala ang mga biktima sa RHU, na kalaunan ay inilipat sa ospital sa Maguiling, Piat.
Subalit, binawian sila ng buhay sa nasabing pagamutan dahil sa mga tinamong matinding pinsala sa kanilang katawan.
Nabatid na ang dalawa ay residente ng Barangay Taribubu sa Tuao East.