Patay ang dalawang indibidwal habang sugatan naman ang tatlo pang iba matapos gumuho ang bagong lagay pa lamang na sementong sahig sa ikalawang palapag ng ginagawang renovation sa isang water refilling station sa Pasay City nitong nakaraang Miyerkules.
Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang mga nasawi na sina alyas Epifanio, 57, construction worker, at alyas Felicisimo, 63, na parehong idineklarang dead on arrival sa Pasay City General Hospital (PCGH).
Isinugod naman sa pagamitan ang tatlong sugatan na pawang mga construction worker.
Sinabi ni De Sesto, batay sa salaysay ng isang construction worker, habang pinapantay niya ang bagong buhos na semento na magsisilbing sahig sa ikalawang palapag ng gusali, bigla umanong bumigay ang suportang kahoy sa ibinuhos na semento.
Tuluyan itong gumuho at natabunan ang apat niyang kasamahan sa unang palapag na nagresulta sa agarang pagkamatay ng dalawang biktima.