Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang isa pa matapos magtagaan sa bayan ng Baggao, Cagayan.

Kinilala ang nasawi na si Erleo Garduque, magsasaka, may-asawa habang ang suspek ay ang dati nitong katrabaho sa construction na si Obito Pamittan, kapwa residente ng Brgy Bagunot.

Ayon kay PLTCOL Osmundo Mamanao, hepe ng PNP-Baggao, nakipag-inuman ang biktima sa bahay ng kanyang kaibigan sa kanilang lugar nang mapansin nilang dumaan ang suspek na nasa impluwensiya ng alak, sakay ng kanyang motorsiklo.

Ngunit bumalik umano ito na may dalang itak at kinompronta ang biktima kaugnay sa dati nilang alitan.

Nang tumayo ang biktima ay dito na siya unang sinaksak sa tiyan ng suspek kung saan agad namang nakakuha ng itak Garduque at tinaga ng dalawang beses sa ulo si Pamittan.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang ganti ay tinaga naman ng suspek ang biktima sa kanyang dibdib na hindi na umabot ng buhay sa pagamutan.

Agad namang nahuli ng Provincial Mobile Force Company na nakabase sa naturang lugar ang papatakas na suspek at itinurn-over sa pulisya.

Kasong homicide ang kakaharapin ni Pamittan na nasa maayos nang kalagayan matapos makalabas sa pagamutan at matahi ang tinamong sugat sa ulo.