Dating alitan ang nakikitang motibo ng pulisya sa tangkang pagpatay sa isang magsasaka sa bayan ng Lallo, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Chrostopher Gorospe, 30-anyos habang ang suspek ay si Emie Consejo, 32-anyos, manggagawa at kapwa residente sa Barangay Catayauan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMAJ Ramon Macarubbo, Jr., hepe ng Lal-lo Police Station na nagkayayaan na uminom ang dalawa, kasama ang kapatid ng biktima.

At habang nag-iinuman ay nagkaroon ng biruan at kantyawan kung saan naungkat di-umano ang ginawang pananaksak ng pamilya ng suspek sa ama ng biktima na ikinapikon nito kaya nag-amok.

Bahagi ng pahayag ni PMAJ Ramon Macarubbo, Jr., hepe ng Lal-lo PS

Una rito, nagpaputok at binato ng suspek ang bahay ng biktima matapos itong pagsarhan kung kaya muli itong nagpaputok at dito na tinamaan ang biktima sa kanyang paa.

-- ADVERTISEMENT --

Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang basyo at slug ng hindi pa mabatid na uri ng baril.

Agad namang naisugod sa pagamutan ang biktima na ngayon ay nasa maayos ng kalagayan.

Nahuli naman sa follow up operation ng puliysa ang suspek na todo tanggi sa krimen habang naisampa na ang kasong frustrated murder laban sa kanya.