
Pinabulaanan ng dating head ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) ang mga akusasyon na nagdadawit sa kanya sa Philippine offshore gaming operators (POGO) at drug money.
Binigyang-diin ni dating VPSPG chief Colonel Raymund Dante Lachica walang basehan ang mga isiniwalat ni Ramil Madriaga.
Idinagdag pa niya na ang mga alegasyon ng kampo ni Madriaga, na nagsabi na dati siyang aide ni Vice President Sara Duterte, ay walang mapagkakatiwalaan na ebidensiya at isinapubliko na walang ginawang ebalwasyon ng isang competent authority.
Sinabi ni Lachica na ito ay isang trial by publicity na lumilihis sa pagiging patas at sinisira ang reputasyon ng isang tao na walang due process.
Matatandaan na sinabi ni Madriaga na drug dealers at POGO ang nagpopondo sa kampanya na Inday Sara Duterte is My President (ISIP) Pilipinas.
Sinabi ni Madriaga na kasama niya si Lachica at Col. Dennis Nolasco sa tactical transport services, na nagbibigay ng seguridad kay Duterte at iba pang VIPs at nagdadala ng malalaking halaga ng pera sa ilang personalidad mula July 2022 hanggang April 2023.
Sinabi ni Lachica na kumpiyansa siya na sa pamamagitan ng legal process ay lalabas ang katotohanan.










