Hindi na hihilingin ng House prosecution panel na humarap si Vice President Sara Duterte bilang hostile witness sa nagpapatuloy na impeachment trial laban sa kaniya.

Ayon kay private prosecutor Lorna Kapunan, inaasahan nilang sasabihin lamang ng Bise Presidente na wala siyang alam sa mga alegasyon, gaya umano ng naging pahayag ng naunang testigo mula sa Office of the Vice President.

Sinabi ni Kapunan na maaaring hindi na makatulong sa mga senador-huwes at sa publiko ang pagtestigo ni Duterte kung hindi nito lilinawin ang mga isyung may kaugnayan sa paggamit ng pondo ng bayan, hindi maipaliwanag na yaman at mga alegasyon ng pagbabanta sa Pangulo, First Lady at dating House Speaker.

Gayunman, nilinaw ng prosekusyon na maaari pa ring ipatawag ng panig ng depensa si Duterte bilang testigo. Sa ganitong pagkakataon, maaari pa rin siyang tanungin nang masinsinan ng prosekusyon sa pamamagitan ng cross-examination.