Inihahanda na ng pulisya ang patung-patong na kaso laban sa dating kapitan ng barangay na nakumpiskahan ng iligal na droga, bala ng baril at troso sa isinagawang operasyon sa bayan ng Pinukpuk, Kalinga.

Kinilala ang suspek na si Reynold Gongob alyas Lenod, 47-anyos, dating kapitan ng Barangay Wagod, isang negosyante at residente ng naturang lugar.

Ayon kay PLT Tyron John Balanay, Team Leader ng Regional Drug Enforcement Unit- Cordillera na tatlong search warrant ang kanilang isinilbi sa bahay ng suspek nitong Martes, Agosto-16.

Nakuha ng pinagsanib na puwersa ng Regional Special Group Cordillera at Kalinga Police Provincial Office (KPPO) mula sa pag-iingat ni Gongob ang ibat-ibang uri ng bala, P200,000 halaga ng shabu, at mahigit P100,000 halaga ng mga illegal na pinutol na kahoy.

-- ADVERTISEMENT --

Pansamantalang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek para sa kaukulang dukomentasyon at tamang disposisyon.

Sa datos ng mga otoridad, una nang nahuli ang suspek noong taong 2016 dahil sa iligal na droga ngunit sumailalim sa plea bargaining noong 2018.