Inamin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nabalitaan umano niya ang tungkol sa umano’y warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.

Sinabi ito ni Duterte sa kanilang “Pasasalamat kay PRRD” event na ginanap sa Wan Cai, Hong Kong nitong Linggo, Marso 9.

Kasalukuyang usap-usapan ang tungkol sa pag-isyu raw ng arrest warrant kay Duterte ng ICC na patuloy na nag-iimbestiga sa umano’y paglabag sa karapatang pantao ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

Sinabi naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro nito ring Linggo na walang kumpirmasyon mula sa Malacañang hinggil sa naturang arrest warrant.

Samantala, iginiit ng dating pangulo na kung totoo man umanong nagkaroon ng mga paglabag sa karapatang pantao at pagpatay nang ipatupad ang drug war sa bansa, ginawa naman daw niya ito hindi para sa kaniyang sarili o sa kaniyang pamilya.

-- ADVERTISEMENT --

Binanggit din ni Duterte na hindi umano matatahimik ang bansa kung palaging nagkakaroon ng mga krimen tulad ng tinawag niyang: “hold up dito, hold up doon.”

Matatandaang noong Hunyo 2024 nang ihayag ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula lamang noong Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.