
Muling inihayag ng Denmark ang kanilang suporta sa Pilipinas para sa pagpapalakas ng pambansang depensa at binigyang-diin ang pangangailangan ng mas malawak na diskarte sa pagpapaigting ng kakayahan sa seguridad ng bansa.
Ayon kay Ambassador Franz-Michael Mellbin ng Denmark, ang kanyang paunang pahayag ay ginawa sa 2026 Security Lounge ng National Defense College of the Philippines (NDCP) na ginanap noong Pebrero 27, 2026 sa NDCP Honor Hall, Camp General Emilio Aguinaldo, Quezon City.
Sa isang post sa social media ng Embassy of Denmark noong Huwebes, binigyang-diin ni Mellbin ang kahalagahan ng pagpapabuti ng kakayahan ng bansa sa supply-chain integrity, produksyon ng enerhiya, at lokal na manufacturing capabilities.
Dagdag pa niya, mahalaga rin ang pagtataguyod ng institutional resilience sa pamamagitan ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at kooperasyon sa pribadong sektor.
Ayon naman sa NDCP, tinalakay ni Mellbin ang “force equalization at armed forces development” upang higit pang mapatibay ang depensa at seguridad ng bansa.
Kasama sa diskusyon sina Colonel Raquel Vilchez, executive officer ng AFP Systems Engineering and Modernization Office, at Assistant Secretary Eleazer Ricote, deputy executive director ng Public-Private Partnerships Council ng Pilipinas.









