
Nagbabala ang Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) na maaaring umabot sa higit 7% ang inflation sa bansa kung magpapatuloy at lalala ang hidwaan sa Gitnang Silangan.
Inihayag ito ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan sa mga miyembro ng House of Representatives, kasabay ng pagsusuri sa posibleng epekto ng US-Iran-Israel conflict sa ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon sa DEPDev, may dalawang posibleng scenario. Sa moderate na sitwasyon, aabot sa $100 kada bariles ang presyo ng krudo sa Marso at mananatili sa mahigit $80 hanggang Mayo, na magdudulot ng bahagyang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Samantala, sa mas matinding scenario, aabot sa $140 kada bariles ang krudo at mananatili sa mahigit $80 hanggang Setyembre, na maaaring magtulak sa inflation hanggang 7.5%, mas mataas sa government target na 2–4%.
Binanggit ng DEPDev na ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay magreresulta sa mas mahal na kuryente, transportasyon, at pagkain, na direktang makakaapekto sa cost of living ng mga Pilipino.
Idinagdag pa ni Balisacan na kung magtatagal ang hidwaan sa Gitnang Silangan, maaaring kailanganin ng pamahalaan ang karagdagang hakbang upang kontrolin ang presyo ng bilihin at protektahan ang mga mamimili.
Ang DEPDev ay nanawagan sa mga mambabatas at ahensya ng gobyerno na tutukan ang monitoring ng presyo ng krudo at ang posibleng epekto nito sa ekonomiya upang maiwasan ang matinding inflation na maaaring makaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.








