
Inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang nationwide Oplan Balik Eskwela bilang paghahanda sa pagbubukas ng School Year 2026–2027 sa Hunyo 8.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, isasagawa ang programa mula Hunyo 1 hanggang 11 upang matiyak ang maayos na enrollment, agarang pagtugon sa mga reklamo ng publiko, at koordinadong paghahanda ng mga paaralan sa buong bansa.
Kasama sa inisyatiba ang mahigit 16 na ahensya ng pamahalaan at mga utility partners upang masigurong ligtas at organisado ang pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral.
Tiniyak ng DepEd na katuwang dito ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), Department of Health (DOH), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa seguridad, kalusugan, at traffic management sa paligid ng mga paaralan.
Tututok naman ang Department of Transportation (DOTr) sa daloy ng mga pasahero, habang ang DICT at NTC ay magbibigay suporta sa komunikasyon at connectivity.
Nakaantabay din ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa posibleng masamang panahon o emergency sa panahon ng pagbubukas ng klase.
Kasama rin ang Meralco at MWSS upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente at tubig sa mga paaralan.
Nagpaalala rin ang DepEd na mananatiling libre sa administrative at clerical tasks ang mga guro upang makapagpokus sa paghahanda ng kanilang mga klase.
Magbubukas din ang Oplan Balik Eskwela Public Assistance Command Center na tatanggap ng mga katanungan at reklamo sa pamamagitan ng hotline, text, email, at social media channels sa iba’t ibang antas ng DepEd.










