
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala pang naitatalang Pilipinong nasugatan o nasawi matapos ang dalawang malalakas na lindol na yumanig sa Venezuela.
Ayon sa DFA, patuloy nilang minomonitor ang sitwasyon sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa Bogota, Colombia, na may saklaw din sa Venezuela.
Nakikipag-ugnayan na rin ang embahada sa mga Pilipinong naninirahan sa Caracas at Barinas upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Sa ngayon, wala pang natatanggap na ulat ang ahensya hinggil sa anumang Pilipinong naapektuhan ng kalamidad.
Pinayuhan naman ng DFA ang mga kababayan sa Venezuela na manatiling alerto, sumunod sa mga kautusan ng lokal na awtoridad, at manatili sa ligtas na lugar habang nagpapatuloy ang assessment sa mga apektadong komunidad.
Matatandaang unang tumama ang magnitude 7.2 na lindol sa kanlurang bahagi ng Caracas na sinundan ng mas malakas na magnitude 7.5 na pagyanig makalipas lamang ang wala pang isang minuto.
Dahil dito, nagdeklara ng state of emergency ang pamahalaan ng Venezuela upang mapabilis ang pagtugon sa mga lugar na naapektuhan.










