
Pormal nang natanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kahilingan ng Estados Unidos na ipa-extradite sa kanilang bansa si Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay DFA spokesperson Analyn Ratonel, ipinasa na ng ahensya ang extradition request sa Department of Justice (DOJ) para sa kaukulang proseso.
Nahaharap si Quiboloy sa US sa mga kasong sex trafficking at racketeering kaugnay ng alegasyon ng pang-aabuso at pagsasamantala sa mga kababaihan at menor de edad na umano’y nagsilbi bilang kanyang personal assistants.
Isinama rin si Quiboloy sa Most Wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
Sa Pilipinas, nakakulong si Quiboloy sa Pasig City Jail matapos maaresto noong 2024. Nahaharap din siya sa mga kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at qualified human trafficking.
Itinanggi ni Quiboloy ang mga alegasyon at naghain ng not guilty plea sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Samantala, sinabi ng DOJ na wala pa itong natatanggap na pormal na abiso mula sa Estados Unidos, ngunit batay sa extradition treaty ng Pilipinas at US, ang DFA ang unang tumatanggap ng kahilingan bago ito ipasa sa DOJ para sa legal na proseso.









