
Ikinalugod ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Republika ng Pilipinas ang desisyon na isailalim na lamang sa house arrest ang dating lider ng Myanmar na si Daw Aung San Suu Kyi, kasabay ng pagpapababa sa kaniyang sentensya.
Kasabay nito, iniulat din ang pagbibigay ng amnestiya sa mahigit 1,500 political prisoners sa Myanmar bilang bahagi ng paggunita sa Full Moon Day of Kason.
Ayon sa DFA, umaasa ang Pilipinas na ang naturang hakbang ay magsusulong ng national reconciliation at katatagan sa Myanmar, gayundin ng unti-unting pagbabalik ng tiwala ng international community sa bansa.
Nanawagan din ang DFA sa Myanmar na payagan ang pamilya ni Aung San Suu Kyi na makadalaw sa dating lider.
Patuloy namang binabantayan ng Pilipinas ang mga kaganapan sa Myanmar kaugnay ng sitwasyon ng karapatang pantao at political developments doon.







