Inanunsyo ng Chinese Embassy sa Pilipinas ang paglulunsad ng direktang biyahe mula Manila papuntang Chongqing sa China, na trending sa social media dahil sa tinaguriang “vertical city” ng Chongqing.

Simula Mayo 1, magsasagawa ng direktang flights ang Air China ng apat na beses kada linggo.

Ayon sa embahada, layunin ng ruta na magbigay ng seamless at efficient travel experience para sa mga manlalakbay sa pagitan ng China at Pilipinas.

Ang flight CA481 mula Chongqing papuntang Manila ay lilipad tuwing Lunes, Miyerkules, Biyernes, at Sabado, habang ang CA482 mula Manila papuntang Chongqing ay lilipad tuwing Martes, Huwebes, Sabado, at Linggo.

Sinabi ng embahada na makikinabang ang mga pasahero mula sa Southwest China sa direktang access sa Manila at madaling koneksyon sa mga popular na destinasyon sa Pilipinas tulad ng Boracay at Cebu.

-- ADVERTISEMENT --

Para sa mga Filipino travelers, binubuksan ng ruta ang direktang daan para tuklasin ang iconic 8D city landscapes ng Chongqing at iba pang pangunahing destinasyon sa Western China.

Inaasahan rin na palalakasin ng biyahe ang kooperasyong pang-ekonomiya at palitan ng kultura sa pagitan ng Western China at Pilipinas, na magpapatibay sa bilateral ties at magbibigay ng oportunidad sa turismo at kalakalan.